P
0
Kawawang anton!May patay-gutom sa labas, sabi ni Anton.
Biglang napalingon si Jerry, halos mabitiwan ang hawak na hotdog sandwich. P.G. na naman? Mga putragis na P.G. yan, ah!
Hindi sumagot si Anton, tahimik na nakatingin lamang sa bintana. Ang kanyang buhok na halos puti ng lahat ay marahang ginugulo ng malamig na hanging nanggagaling sa labas.
Napailing si Jerry, binitawan ang hawak na tinapay at tumayo. Naglakad siya patungo sa bintana at tumayo sa tabi ni Anton. Sa tapat ng gate ng kanilag bahay ay nakatayo ang isang patay-gutom. Isang lalaki. Gusgusin at sira-sira ang suot nitong damit.
“Hindi na ba tayo patatahimikin ng mga patay-gutom na iyan?” tanong ni Jerry.
“Naku, huwag mo nang pansinin yan. Aalis din iyan.”
Tiningnan ni Anton ang buwan sa kalangitan. Para itong isang prutas na biniyak sa gitna. Pagkatapos ay tumalikod na siya at umupo sa malaking sofa sa gitna ng silid. Dinampot niya ang isang librong nasa lapag at sinimulang basahin ito.
Nilingon ni Jerry ang kaibigan. “Yan na naman? Ilang beses mo na bang nabasa yang Prisoner of Azkaban?“
“Panglima na ito.”
“Hindi ka ba nagsasawa?
“Hinding-hindi mangyayari ‘yan,” seryosong sagot ni Anton.
“Ang weird mo talaga. Ang tanda-tanda mo na, eh.” Muling bumalik sa dining table si Jerry at naupo. “Ano kaya ang pinupunta nila dito?”
Ibinaba ni Anton ang hawak na libro at tinitigan ang kaibigan, ang noo ay nakakunot. “Ano sa tingin mo? Di siyempre, pagkain.”
“Pagkain. Pagkain. Pagkain. Bakit lagi ba silang gutom? Kapag kumakain naman, kala mo hindi na aabutan ng bukas.”
“Kaya nga patay-gutom, eh.” Muling itinuon ni Anton ang kanyang atensyon sa hawak na libro.
Bumalik sa pagkain si Jerry. Medyo maasim na ang hotdog na palaman ngunit makakain pa rin naman. Matibay rin naman ang kanyang sikmura dahil laki sa hirap. Dati nga ay sa basura lamang siya umaasa ng pagkain. Buti na lamang at nakilala niya si Anton.
Maya-maya ay narinig nila ang isang malakas na ingay mula sa labas. Agad na napatayo ang dalawang lalaki at mabilis na tinungo ang bintana. Sa labas, maingay na kinakalampag ng patay-gutom ang kanilang bakal na gate.
“Shit”
“Naaamoy nila yung niluto mong hotdog,” kalmadong sabi ni Anton. “Sabi ko kasi sa’yo, huwag ka munang magluluto at pagabi na.”
Umasim ang mukha ni Jerry na para bang nakakain ng hilaw na mangga. “Eh, halaga namang kainin ko yung hotdog ng hilaw. Di nasira naman ang tiyan ko!”
“Kailangan mong lumabas at harapin yang patay-gutom na yan. Bago pa makatawag ng pansin at dumami pa yang mga ‘yan.”
“T-Teka, bakit ako na naman? Hindi ba’t ako na kaninang umaga? Ikaw naman, noh!”
Dahan-dahang ipinaling ni Anton ang kanyang kulubot na mukha sa nakababatang lalaki. Matalas ang mga mata nito, halos salubong na ang kilay.
Itinaas ni Jerry ang kanyang dalawang kamay, tanda ng pagsuko. “O sige na. Ako na. Ako na!”
Agad siyang tumalikod at tinungo ang kusina. Binuksan niya ang mga aparador sa ibabaw ng lababo, may hinahanap.
“Nasaan na ba yun? Dito ko lang nilagay yun kanina, ah.”
“Hindi ba’t hinugasan mo dun sa may garahe kanina.”
“Ay, oo nga pala.” sagot ni Jerry ng may ngiti sa labi.
Mabilis niyang tinungo ang garahe sa kanan ng kanilang bahay. Sa likod niya ay nakasunod ang matanda.
“Eto!” Yumuko si Jerry sa tapat ng isang gripo at pinulot ang isang malaking itak. “Humanda yang patay-gutom na ‘yan!”
“Hoy,” biglang sabi ni Anton, “huwag kang padalos-dalos ng kilos ha. Mag-iingat ka.”
“Sus! Ako pa.” Pagkasabi nito ay mabilis na lumabas si Jerry. Agad niyang naramdaman ang lamig ng hangin.
Sana naman ay huwag bumagyo, nasabi niya sa sarili.
Mabilis ngunit tahimik ang kanyang mga hakbang. Ilang segundo lamang at nakatayo na siya sa tapat ng kanilang gate. Sa kanyang harapan ay patuloy na kinakalampag ng patay-gutom ang bakal na harang.
Kahit ilang beses ng nakakita ng patay-gutom si Jerry ay hindi pa rin niya mapigilang mandiri at bumaliktad ang kanyang sikmura. Muli ay naranasan niya ang pait sa kanyang laway at lalamunan. Huminga siya ng malalim upang hindi masuka.
Bulok na ang kalahating mukha ng patay-gutom. Sa pisngi nito at lumalabas ang mga puting uod na abalang-abala sa panginginain. Kitang-kita rin ni Anton ang nabubulok na mga ngipin ng lalake. Ang isang mata nito ay putok na at tanging isang malaking butas na lamang ang makikita. Nakakasulasok din ang amoy ng nabubulok na katawan ng lalake.
Nang makita si Jerry ng patay-gutom ay agad nitong itinaas ang dalawang kamay at pilit na inabot ang lalaki. Kitang-kita ni Jerry ang gutom sa nag-iisang mata nito. Nagbukas-sara ang bibig nito na para bang gustong-gusto ng kainin ang binata.
“Pagkain ba ang gusto mo?” mahinang tanong ni Jerry. “Puwes, walang pagkain dito!”
Sa isang mabilis na pagkilos ay tinaga ni Jerry sa ulo ang patay-gutom. Bumaon ang itak hanggang sa may ilong ng lalaki. Biglang nangisay ang katawan nito. Hinawakan naman ni Jerry ng mahigpit ang itak gamit ang dalawang kamay upang hindi niya ito mabitawan.
Ilang segundo lang ay tumigil na sa paggalaw ang patay-gutom. Ilang beses hinila ni Jerry ang itak bago niya ito tuluyang nabunot sa ulo ng bangkay. Parang gulay ay bumagsak sa malamig na semento ang patay-gutom.
“Iyan ang bagay sa’yo.”
Tumingin si Jerry sa paligid, tinatanaw kung may ibang patay-gutom ang nakarinig sa ingay kanina. Nang walang makita ay nakahinga siya ng maluwag at dahan-dahang bumalik sa loob ng bahay.
Zombies. Undead. Walkers, naisip niya. Yun ang tawag sa kanila sa ibang bansa. Pero dito, patay-gutom. Patay na kasi, pero gutom na gutom na pa rin.