Nikki, samahan mo naman akong mag-CR.
Lumingon si Nikki mula sa pagkakatitig sa kanyang blankong monitor patungo sa direksyon na pinagmulan ng boses. Nakita niyang nakatayo sa likod niya sa Abigail.
“Samahan mo naman ako mag-CR,” pag-uulit ni Abigail.
“Sus!” nakangiting sabi ni Nikki, “Bakit naman kasi kailangan pang may kasama sa pag-C-CR?”
“Ganon talaga,” sagot ni Abigail. “Saka, wala ka namang call eh. Samahan mo na muna ako.”
“Oh sige, sige,” natatatawa lang si Nikki habang ni-lo-log-out ang kanyang PC. Pagtayo niya ay iginala niya ang kanyang paningin sa call center floor. Team na lang nila ang natitirang nag-ca-calls at bakante na ang karamihan ng mga stations. Sila kasi ang kahuli-hulihang team na umuuwi. Closer, kung baga. Buti na lang at kaunti na rin lang ang calls na pumapasok kaya halos nagre-relax lang silang lahat.
Sa loob ay abala ang magkaibigan sa pagre-retouch sa harap ng salamin. Silang dalawa lang ang tao sa CR.
“Alam mo, napapansin ko na tuwing may mag-C-CR sa atin, palaging naghahanap ng kasama,” biglang sabi ni Nikki habang nagpupulbo ng mukha. “Kahit si boss laging nagyayaya ng kasama pag mag-C-CR.”
“Mas masaya kasi pag may kasama,” sagot ni Abigail sabay tawa. “Tulad natin, nakakapag-retouch pa tayo at nakakapagkuwentuhan.”
“Sus, ano ba namang klaseng dahilan yun. Paano kung talagang na-C-CR ka na hindi mo na mapigil, may oras ka pa bang maghanap ng kasama?”
“Magkakatabi lang naman tayo, noh. Puwedeng-puwede mo kaming yayain kahit anong oras,” seryosong sagot ni Abigail.
Tiningnan ni Nikki ang kasama, kita sa mukha niya ang pagkabigla sa biglang pagiging seryoso ni Abigail.
“Oh, bakit natahimik ka diyan?” tanong ni Abigail
“W-Wala. Bigla ka kasing naging seryoso, eh.”
“Basta, siguraduhin mo na kapag mag-C-CR ka ay yayayain mo akong samahan ka. O kaya si Rose, o si Angel. Sigurado sasamahan ka ng mga iyon,” sabi ni Abigail sabay ngiti.
“Bakit naman? Hindi ba maaabala ko lang kayo kapag ganoon?” tanong ni Nikki.
“Hindi noh!” sagot ni Abigail na halatang medyo naiinis na. “Sabi ko nga masaya ang may kasama pag nag-C-CR. Hinding-hindi mo kami maaabala. Basta sabihan mo lang kami kapag gusto mong mag-CR.”
“Okay, okay! Relax ka lang,” natatawang sabi ni Nikki. “Akala ko kasi baka may multo dito sa CR kaya ayaw niyong mag-CR ng mag-isa,” pagbibirong sabi ni Nikki.
Biglang natigilan si Abigail sa pagsusuklay ng kanyang mahabang buhok. Tinitigan niya sa mata ang repleksyon ni Nikki sa salamin.
“Oh bakit?” tanong ni Nikki.
“W-Wala, mahinang sabi ni Abigail, “newbie ka pa kasi kaya hindi mo naiintindihan.”
“Ano yun?” tanong ni Nikki.
“Wala nga! Ang kulit mo din ano?” sabi ni Abigail. Huminga siya ng malalim at ipinagpatuloy ang pagsusuklay ng kanyang buhok. “Hay basta, kapag mag-C-CR ka, lagi mo kaming yayayain ha.”
“Opo. Sige na nga po,” sabay sukbit ng kanyang bag sa kanyang balikat. Masaya silang bumalik sa kani-kanilang stations.
Mabilis namang lumipas ang oras at di nagtagal ay uwian na ng team nila. Masayang tawanan ang maririnig sa locker room habang isa-isang ibinabalik ng mga agents ang kani-kanilang mga headset sa kanilang mga lockers.
“Tara na Nikki. Sabay na tayo,” sabi ni Abigail.
“O sige. Pero hintayin mo na lang ako sa baba. Nakalimutan ko kasing iwan sa desk ni boss itong Tech Prob tracker ko,” sabi ni Nikki sabay wagayway ng isang pirasong papel na hawak niya.
“O sige, yosi muna ako sa baba. Antayin na lang kita dun,” sabi ni Abigail sabay talikod.
Mabilis namang naglakad si Nikki patungo sa desk ng TL niya. Wala ng tao sa call center floor ngayon at tahimik na ang buong paligid. Wala na rin ang kanyang TL sa desk nito kaya iniwan na lang niya ang kanyang tracker sa Tech Prob Folder na nasa ibabaw ng lamesa nito.
Didiretso na sana si Nikki sa elevator lobby ng bigla siya makaramdam ng pagka-ihi.
Naku, kailangan kong mag-CR. Mahirap naman kung pipigilin ko pa ‘to, naisip ni Nikki.
Dumiretso siya sa CR ng mga babae ngunit bigla siyang natigilan ng nasa harap na siya ng pintuan ng CR. Bigla kasi niyang naalala nag sinabi sa kanya ni Abigail.
Hay basta, kapag mag-C-CR ka, lagi mo kaming yayayain ha.
Mabilis na tiningnan ni Nikki ang paligid. Wala ng kata-tao sa floor. Lahat ng teammates niya ay bumaba na, at malamang ay nagyoyosi na.
Sus! Bakit naman kasi kailangan pang may kasama! naiinis na naisip ni Nikki sabay bukas ng pinto ng CR. Mabilis siyang dumiretso sa isa sa mga cubicles at umihi. Pagkatapos ay naghugas siya ng kamay sa sink at naghilamos.
Bigla siyang nagulat ng marinig na bumukas ang pinto ng CR. Pagdilat niya ay nakita niya ang isang babaeng mabilis na tumatakbo papasok at dumiretso sa isa sa mga cubicles.
Sino yun? naisip ni Nikki. Hindi niya kasi masyadong nakita ang itsura ng babae.
Kumuha siya ng tissue paper at dahan-dahang pinupunasan ang kanyang mukha ng may marinig siyang umiiyak. Nanggagaling ito sa cubicle kung saan pumasok ang tumatakbong babae kanina. Natigilan si Nikki, hindi alam ang gagawin. Nang maalala niya si Abigail na naghihintay sa kanya sa baba ay saka lamang siya nakagalaw. Mabilis niyang itinapon ang tissue sa basurahan at dumiretso sa pintuan.
Biglang lumakas ang pag-iyak ng babae. Humahagulgol ito sa loob ng cubicle. Natigilan si Nikki at nilingon ang cubicle kung saan nanggagaling ang malakas na pag-iyak. Hindi niya alam ang gagawin ngunit hindi niya mapigil ang kanyang kuryusidad. Dahan-dahan siyang humakbang patungo sa cubicle hanggang nasa harapan na siya ng pintuan nito.
“Miss? Okay ka lang ba. Miss?” mahinahong tanong ni Nikki.
Hindi sumagot ang babae sa loob ng cubicle. Sa halip ay mas lumakas pa ata ang pag-iyak nito.
“Miss?” muling sinubukan ni Nikki. “Miss, may problema ka ba? Gusto mo pag-usapan natin?”
Patuloy lang ang pag-iyak ng babae. Naghintay ng ilang sandali si Nikki, at ng hindi pa rin sumasagot ang babae ay napagdesisyunan niya na iwanan na lang niya ito.
“Bakit?” isang nanginginig na boses ang nanggaling mula sa loob ng cubicle.
Muling humarap si Nikki sa pinto ng cubicle.
“Ano yun, miss?” tanong ni Nikki.
“Niloko lang… niya… ako,” mahinang sabi ng babae. “Niloko… lang… ako…”
“Mabuti pa pag-usapan na lang natin yan dito,” sabi ni Nikki.
Isang tawa ang nagmula mula sa loob ng cubicle. Isang mapait at puno ng sakit na tawa. Biglang tumayo ang mga balahibo ni Nikki sa katawan.
“Pag-usapan?” muling tumawa ang babae, “mas mabuti pang tapusin ko na lang ang lahat.”
“Miss, mabuti pa lumabas ka na lang muna diyan. Pag-usapan natin ‘to,” sabi ni Nikki na hindi mapigilan na makaramdam ng kaba.
Hindi sumagot ang babae sa loob. Kinatok muli ni Nikki ang pintuan ngunit sadyang hindi na sumasagot ang babae. Tatawag na sana si Nikki ng ibang tao para makatulong ng may mapansin siyang umaagos sa lapag na mula sa loob ng cubicle. Isang likidong kulay pula.
Dugo!
“Miss! Miss! Okay ka lang ba? Miss!” taranta si Nikki sa pagkatok ng pinto. Hindi niya alam kung ano ang nangyari sa babae sa loob ng cubicle ngunit isa lang ang maaaring dahilan kung bakit may dugo.
Nagpakamatay ata! mabilis na naisip ni Nikki.
Nang hindi pa rin sumasagot ang babae ay naisipan na ni Nikki na tumawag ng security. Mabilis siyang tumalikod at tumakbo patungo sa pinto ngunit nakakadalawang hakbang pa lang siya ng bigla siyang natigilan. Biglang nanigas ang katawan niya. Gusto niyang sumigaw pero parang naipit ito sa lalamunan niya at ayaw lumabas. Nanlalaki ang dalawang mata niya na hindi makapaniwala sa nakikita nito.
Hindi! Hindi! Imposible ito!
Sa harapan niya ay nakatayo ang isang babaeng duguan. May hawak itong kutsilyo sa kanang kamay nito.
“Pag-usapan?” mahinang sabi ng babae ngunit malamig at puno ng galit ang boses nito. “Sige… mag-usap… tayo.” Itinaas ng babae ang kanang kamay nito na may hawak na kutsilyo sabay hakbang papalapit kay Nikki.
Tanging pagsigaw lang ang nagawa ni Nikki.
Isang oras din ang lumipas bago nakita si Nikki. Nakita siya ng dalawang janitress na magkasamang pumasok sa CR para maglinis. Nagulat sila ng makita si Nikki na nakaupo sa isang sulok, nanginginig at umiiyak. Mabilis naman siyang itinakbo sa hospital.
“Sinabihan ko na kasi siya eh,” malungkot na sabi ni Abigail. Magkakasama silang team noon na bumisita kay Nikki sa hospital. Natutulog pa si Nikki kaya napagdesisyunan na lang nila na bumalik sa ibang araw.
“Hindi mo kasalanan, Abigail,” sabi ni Rose. “Walang may kasalanan sa nangyaring ito.”
“Hindi. Kasalanan ko,” sabi ni Abigail na pinipigalan ang luha. “Hindi sapat ang ginawa ko. Dapat ipinaliwanag ko sa kanya kung bakit hindi siya dapat mag-C-CR ng mag-isa. Dapat sinabi ko sa kanya ang tungkol sa mult…”
Hindi na natuloy ni Abigail ang sasabihin at tuluyan na siyang napaiyak.