G
0
part 2 poKriiiing! Kriiing!
Iminulat ni Hannah ang kanyang mga mata ngunit napakurap-kurap siya ng masilaw sa liwanag.
Hindi niya sigurado kung nasaan siya. Ngunit nang maalala ang nangyari sa kanya ay agad siyang napabalikwas. Kinapa-kapa niya ang kanyang leeg.
Walang sugat.
Kriiiing! Kriiing!
Napalingon siya sa kanyang kanan at nakita ang telepono.
May tumatawag, naisip niya.
Dahan-dahan niyang nilapitan ang telepono na nakapatong sa isang lamesita ngunit biglang tumigil ito sa pagring. Napatigil din si Hannah sa kanyang kinatatayuan.
A-Ano bang nangyari? Panaginip lang ba iyon?
Tiningnan niya ang orasang bilog na nakasabit sa pader.
Alas tres na ng hapon.
Muli niyang kinapa ang kanyang leeg.
Mukhang panaginip nga lang. Nakatulog pala ako dito sa sofa, hindi ko man lang napansin.
Malakas na napabuntong-hininga si Hannah. Gamit ang kanyang kamay ay pinunasan niya ang mga butil ng pawis sa kanyang noo.
Biglang kumalam ang kanyang sikmura .
Gutom na ko, nasabi niya sa sarili. Teka, hindi pa ba ako nanananghalian?
Nagkibit-balikat na lamang siya at tinungo ang kusina. Naghanap siya ng mailuluto at makakain. Ngunit, nadismaya siya ng makitang walang bigas, o anumang ulam siyang pwedeng lutuin.
“Pambihirang buhay ito,” nasabi niya. “Bibili na nga lang ako sa labas.”
Matapos suklayin ang kanyang maiksing buhok, lumabas si Hannah at ini-lock ang pinto ng kanyang bahay.
Dahil mainit ang sikat ng araw, iilang tao lamang ang nasa labas. May ilan-ilan ding tricycle ang maingay na nagdadaan sa kalsada.
Ano bang bibilhin ko? Yung luto na lang, kaya?
“Ikaw!”
Isang malakas na sigaw ang gumulantang kay Hannah. Nang lumingon siya sa kanyang likuran ay nasindak siya sa kanyang nakita.
Hinahabol siya ng babaeng nakaputi.
(This is an original work by COPRO14. For more stories from this author, please visit LUCIDIRE.COM)
“H-Hindi…”
“Ikaw na naman!” sigaw ng babaeng nakaputi.
“Hindi totoo ito,” sabi ni Hannah. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at kinusut-kusot ang mga ito. Ngunit nang dumilat siya ay naroroon pa rin ang babae.
“H-Hindi!” Mabilis na kumaripas ng takbo si Hannah.
“Papatayin kita! Papatayin kita!” paulit-ulit na sigaw ng babaeng nakaputi.
“T-Tulong! Tulungan ninyo ako!” sigaw ni Hannah. Ngunit para bang walang nakakarinig sa kanya. Ang mga taong nakatambay sa isang tindahan sa di-kalayuan ay patuloy lamang sa paglalaro ng dama. Ang matabang ale naman na may hawak-hawak na payong ay tuluy-tuloy lang sa paglalakad.
“Tulong! Tulo—“
Nadapa si Hannah. Napahiyaw siya sa sakit ng tumama ang kanyang mukha at kumadkad ang kanyang mga braso’t tuhod sa magaspang na semento.
“Hindi ka na makakatakas ngayon!”
Mabilis na tumihaya si Hannah at nakita ang babaeng nakaputi sa kanyang harapan. Hawak-hawak na nito ang kutsilyo at iwinawagayway na parang isang bandila.
“S-Sino ka ba?” tanong ni Hannah ngunit nginitian lamang siya ng babae. “Anong kailangan mo sa’kin? Bakit mo ginagawa ito?”
“Bakit?” Biglang naging seryoso ang mukha ng babae, puno ng galit. “Dahil galit ako sa’yo!”
“G-Galit? Ano namang ginawa ko sa’yo?” naiiyak na tanong ni Hannah.
Muling ngumiti ang babaeng nakaputi at humalakhak. “Kapag wala ka na, magiging normal na ang buhay ko!”
Pagkasabi nito ay sinuggaban ng babae si Hannah at tinadtad ng saksak.
Wala ng nagawa ang dalaga kundi ang maligo sa sariling dugo.
Bakit? Bakit?
Ito tanging tumatakbo sa isipan ni Hannah.
“Uy, yung babae o, may hawak na kutsilyo.”
“Oo nga! Naku, mabuti pa tumawag tayo ng tulong.”
Sa narinig ay parang nanumbalik ang lakas ni Hannah.
Tulong? Tulong! Tulungan ninyo ako.
Hindi pa rin tumitigil ang babaeng nakaputi sa pagsaksak sa kanya. Hindi na niya mabilang kung ilang saksak ba ang tinanggap niya.
Tulungan niyo po ako! sigaw ni Hannah sa kanyang isipan.
Biglang tumigil ang pagsaksak ng babaeng nakaputi.
“O, hawakan mong mabuti. Yung kutsilyo, yung kutsilyo!”
“Nasaan ba ang nanay nito?”
Dahan-dahang iminulat ni Hannah ang kanyang mga mata.
Buhay pa ako?
Sa kanyang harapan ay nakita niya ang ilang lalaki na hawak-hawak ang babaeng nakaputi. Hindi naman tumitigil ang babae sa pagsigaw at pagpupumiglas.
“Papatayin ko siya! Papatayin ko siya!”
Tulungan ninyo ako, tawag ni Hannah sa kanyang isipan. D-Dalhin ninyo ako sa ospital.
Ngunit walang pumapansin sa kanya. Ni wala man lamang tumitingin sa kanya. Ang lahat ng atensyon ng mga tao ay nakatuon sa babaeng nakaputi.
“Anak ko! Nasaan ang anak ko”
Isang matandang babae ang tumakbo at lumuhod sa harapan ng babaeng nakaputi.
“Jessica! Anak ko! Ano bang nangyayari sa iyo? Tigilan mo na ito,” sabi ng matandang babae habang humahagulgol.
“Papatayin ko siya, inay. Papatunayan ko sa iyo na hindi ako baliw!” sagot ng babaeng nakaputi sabay tawa.
“Misis,” sabat ng isang lalaki na may hawak sa isang kamay ng babaeng nakaputi, “mabuti pa ho, ipa-commit niyo na itong anak niyo. Marami na hong mga nagrereklamo. Natatakot. Ngayon nga ho, tingnan niyo may dala-dala pang kutsilyo ‘tong anak niyo. Buti na lang at walang nasaktan.”
Walang nasaktan? gulat na naisip ni Hannah. Ako! Hindi niyo ba ako nakikita?
“Papatayin ko siya, inay! Pangako ko ‘yan!”
“Jessica anak, tigilan mo na ito.”
Ano ba talagang nangyayari!
Muling nilamon ng kadiliman si Hannah.