21 Thoughts/Realizations After Watching 'Rewind' movie starring
Dingdong Dantes and
Marian Rivera:
1. Kapag mahirap nang intindihin ang pag-ibig, doon mo pinaka-kailangang manatili. Hindi tayo nauubusan ng mga dahilan at paraan para mahalin ‘yong taong napakahirap mahalin.
2. Mabigat buhatin ang mga oras na masasaya dahil ‘yon din ang oras ng mga panghihinayang.
3. Isinasangla natin ang ating sarili para lang mapasaya ang mga taong mahal natin dahil ganoon ang pag-ibig. Tinutubos tayo ng kung anumang makapagpapaligaya sa kanila.
4. Totoo ‘yong sinasabi ng iba na ang asawa ay hindi lang dapat 'asawa'. Ang asawa mo ay dapat bestfriend mo rin. Hindi siya kalaban, kundi kakampi.
5. Mahirap ibigay ang pagpapatawad sa iba kung hindi pa natin kayang ibigay ito mismo sa ating sarili.
6. Hindi lahat ng "mahal na mahal" ay tama at sapat. Baka imbes na pagmamahal ang maibigay mo ay pagsisisi at galit ang maging kapalit nito.
7. Walang kasiguraduhan ang mga bagay sa mundo, kaya’t mahalin mo ang bawat araw na parang oras-oras gumuguho ang mundo.
8. Ilang 'sorry' ba ang sasapat para maging maayos ang lahat? Wala. Hindi kayang bawiin ng anuman ang lahat ng nawala.
9. Araw-araw tayong nagluluksa dahil araw-araw din tayong nagmamahal nang sobra.
10. Malalaman lang nating natuto na tayo kapag natanggap na nating nagkamali tayo.
11. Walang permanenteng ligaya. Laging may magkakamali. Laging may magkukulang. Laging may hindi sapat. Laging may bibitiw. Laging may mang-iiwan. Dahil kung wala ang mga ito, hindi tayo makakausad. Hindi natin malalaman ang totoong halaga ng buhay.
12. Gaano kabigat buhatin ang pagkakamaling nauwi sa panibagong pagkakamali?
13. Ang mga taong umiintindi ay dapat naiintindihan din.
14. Noong isinayaw na ni John si Mary for the last time habang pinatugtog ang kantang 'Sa Susunod na Habang Buhay' ng
Ben&Ben ay biglang nag-flashback lahat ng sakit. Na para bang nandoon ako sa sinehan at humihiling na sana puwedeng tumigil ang oras para hindi maputol ’yong sayaw na ‘yon. Kung puwede lang sanang balikan ang nakaraan para itama ang lahat ng mali, pero hindi. Sa totoong buhay, hindi puwede.
15. Palaging mas maganda ang mga plano ni Lods. Hindi mo lang ‘yon nakikita dahil masyado kang naka-focus sa kung ano lang ang gusto mo. Hindi gano’n ang buhay. Hindi ka sasanayin ni Lods sa masasaya lang na walang kabuluhan.
16. Ang bigat ng mga salitang “sana, ako na lang” at “kung maibabalik ko lang.” Hindi na kayang bawiin ang mga nangyari na. Ang nakaraan ay nakaraan.
17. Tumatakbo ang oras. Maraming nawawala sa loob ng ilang segundo. Marami ang hindi na maibabalik sa loob ng ilang minuto. Hindi hihintayin ng mundo ang pagbabago mo. Kumilos ka agad. Huwag mong hintaying maging kahapon ang ngayon.
18. Kaya pala maaga tayong ipinakilala sa isa’t isa dahil maaga rin tayong magwawakas. Pinatikim lang sa atin ang habangbuhay sa maikling panahon para magsilbing aral.
19. Sina Mary at John ang patunay na ang pag-ibig ay hindi laging patungkol sa kilig. Ang pag-ibig ay isang responsibilidad at habangbuhay na sakripisyo’t pananatili kahit ano pang sakit ang maging sukli sa huli.
20. Walang rewind ang buhay. Piliin mong magmahal nang tama. Pahalagahan ang lahat ng bagay. Tumatakbo ang oras.
21. Magaling tayong magmahal, pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay marunong tayong magmahal.