May 150,000 overseas Filipino Worker (OFW) na nasa Taiwan ang posibleng maipit sa sandaling matuloy ang krisis sa pagitan ng Taiwan at China dahil sa pag-aagawan na rin ng teritoryo sa West Philippine Sea kaya dapat na itong paghandaan ng gobyerno.
Sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno sa isang press conference sa Pilar, Bataan na nakatanggap siya ng impormasyon na ang Taiwan Ministry of Defense ay nagsisimula nang magpamahagi ng “People’s Survival and Evacuation Manual” sa iba’t ibang local government units bilang paghahanda sa krisis katulad sa nangyayari sa Ukraine.
Hanggang maaga ay dapat na makagawa na aniya ang bansa ng plano para sa posibleng paglikas at kaligtasan ng 150,000 OFW.
“Sabi nga, ‘di bale nang boy scout. But still, we will pray [na] sana nga walang mangyaring untoward incident (sa Taiwan). But lahat naman tayo, nagulat about what happened to Ukraine and Russia.” (Juliet de Loza-Cudia, ABANTE TONITE)