V
0
Keep it up lang! Solid
Makulimlim sa labas, ah, mahina kong sabi. Madilim sa loob ng aming bahay dahil pinatay ko ang ilaw. Sayang kasi ang kuryente. Ako lang ang tao sa bahay, hindi ko alam kung saan silang lahat pumunta.
Muli akong nahiga sa aming lumang sofa at ipinagpatuloy ang panonood ng black and white silent movie. Hindi ko alam ang pamagat ng pelikula. Hindi ko rin alam kung comedy ba ito, action, horror, o drama. Basta’t nagrerelax lamang ako dahil maya-maya ay papasok na ako sa trabaho.
Kinuha ko ang isang balot ng sitsirya na nakalagay sa lamesita sa harapan ko.
“Luma na ata ito,” sabi ko dahil malambot na ang sitsirya at wala ng lasa ngunit nagpatuloy pa rin ako sa pagkain.
“Dong! Dong! Dong! Dong! Dong! Sunud-sunod ang batingting ng maliit naming orasan na nakasabit sa pader, hudyat na alas-singko na ng hapon. Oras na upang maghanda at pumasok sa trabaho. Oras na upang makinig at makipag-usap sa mga kanong laging galit at gustong makipagtalo.
Dahan-dahan akong tumayo at napabuntong-hininga. Nakaligo na ako kanina at nakahanda na rin ang isusuot kong damit. Hinubad ko ang suot kong sando at pagkatapos ay kinuha ang kulay gray na polong nakahanger sa tabi ng cabinet sa aking kanan. Dahil tinatamad, parang ang bigat ng polo ng ito ay isusuot ko na.
Pagkatapos ay isinuot ko ang aking itim na pantalon at ang aking lumang sinturon. Matapos itong higpitan ay sinimulan ko nang magsuot ng medyas. Muli ay sinilip ko ang kalangitan mula sa aming bintana.
“Makulimlim sa labas, ah”, mahina kong sabi. Madilim sa loob ng aming bahay dahil pinatay ko ang ilaw. Sayang kasi ang kuryente. Ako lang ang tao sa bahay, hindi ko alam kung saan silang lahat pumunta.
Muli akong nahiga sa aming lumang sofa at ipinagpatuloy ang panonood ng black and white silent movie. Hindi ko alam ang pamagat ng pelikula. Hindi ko rin alam kung comedy ba ito, action, horror, o drama. Basta’t nagrerelax lamang ako dahil maya-maya ay papasok na ako sa trabaho.
Kinuha ko ang isang balot ng sitsirya na nakalagay sa lamesita sa harapan ko.
“Luma na ata ito,” sabi ko dahil malambot na ang sitsirya at wala ng lasa ngunit nagpatuloy pa rin ako sa pagkain.
“Dong! Dong! Dong! Dong! Dong!” Sunud-sunod ang batingting ng maliit naming orasan na nakasabit sa pader, hudyat na alas-singko na ng hapon. Oras na upang maghanda at pumasok sa trabaho. Oras na upang makinig at makipag-usap sa mga kanong laging galit at gustong makipagtalo.
Dahan-dahan akong tumayo at napabuntong-hininga. Nakaligo na ako kanina at nakahanda na rin ang isusuot kong damit. Hinubad ko ang suot kong sando at pagkatapos ay kinuha ang kulay gray na polong nakahanger sa tabi ng cabinet sa aking kanan. Dahil tinatamad, parang ang bigat ng polo ng ito ay isusuot ko na.
Pagkatapos ay isinuot ko ang aking itim na pantalon at ang aking lumang sinturon. Matapos itong higpitan ay sinimulan ko nang magsuot ng medyas. Muli ay sinilip ko ang kalangitan mula sa-
“T-Teka lang,” bigla akong natigilan. “Parang ginawa ko na ito, ah. Hindi bat nagbihis na ako at nagsuot na ng medyas?”
Muli ay tiningnan ko ang black and white na palabas sa TV. Hindi ko pa rin alam kung ano ang pinanonood ko. Basta’t may mga taong naglalakad, titigil, pagkatapos ay lalakad ulit.
Ibinaling ko ang aking tingin sa sitsiryang nasa lamesita. Wala itong tatak. Bastat isa lamang itong plastic na kulay abo.
Dong! Dong! Dong! Dong! Dong!
Nagulantang ako sa tunog ng orasan, na sa pakiwari ko ay mas malakas pa kaysa sa kanina. Nang tingnan ko ang aking sarili, mas lalo akong nagulat na makitang nakasando at shorts akong muli. Ang aking polo ay pantalon ay maayos na nakahanger malapit sa cabinet sa aking kanan.
“H-Hindi! Anong nangyayari?”
Humarap ako sa salamin sa cabinet. Tiningnan ko ang aking sarili ngunit wala naman akong kakaibang nakita.
“Ano ba ito? Nananaginip ba ako?
Pagkasabi ko nito ay naisip ko ang ginagawa ng mga tao sa pelikula upang tiyakin kung nananaginip ba sila o hindi. Dali-dali ay pinagsasampal ko ang aking mga pisngi.
Bigla akong nanlamig. Hindi ako nasasaktan!
Tuluyan na akong nataranta at nilamon ng takot. “Inay! Itay! Nasaan kayo? Ate?”
Tanging katahimikan lamang ang sumagot sa akin.
Napasabunot ako sa aking ulo dahil hindi ko alam ang aking gagawin. Muli ay napasulyap ako sa labas, sa kalangitang unti-unting nagdidilim.
“Kailangang kong makaalis dito.” Agad kong binuksan ang pinto at dumiretso sa aming gate. Ngunit bigla akong natigilan sa aking nakita.
Sa kalangitan ay may mga kung anong bagay na nagliliparan. Mukha silang mga ibon o kayay mga paniki. Napakarami nila, halos hindi mo mabibilang. Paikot-ikot silang lumilipad sa kalangitan, wari bang may hinihintay.
Dong! Dong! Dong! Dong! Dong!
Muli kong narinig ang tunog ng aming orasan. Hindi na ako nag-atubili pa at binuksan ko na ang aming gate at humakbang palabas.
Dito ay biglang tumigil sa pag-ikot ang mga lumilipad na bagay. Kahit malayo sila ay pakiwari ko ay nakatingin silang lahat sa akin. Para bagang naramdaman nila ng ako ay lumabas sa aming gate.
Walang anu-anoy bigla silang lumipad papalapit sa akin. Mabibilis sila. Ilang segundo lang ay napakalapit na nila sa akin, na halos naaaninag ko na ang kanilang mga hitsura. Agad kong inilayo ang aking tingin mula sa mga ito at ipinikit ang aking mga mata sa takot. Pakiramdam ko ay mababaliw ako kapag nakita ko ang tunay nilang anyo.
Muli kong idinilat ang aking mga mata at nakita ang second floor ng aming bahay. Mula sa bintana ay may kulay dilaw na liwanag. Hindi ko alam kung bakit tanging ang kuwartong iyon lamang ang may liwanag at kulay sa buong paligid. Ramdam ko rin na magiging ligtas ako kapag pumunta ako sa lugar na iyon.
Sa aking likuran ay narinig ko ang nakakakilabot na ingay ng mga nilalang na lumilipad papunta sa akin. Hindi na ako nag-isip pa. Muli akong pumasok sa aming gate at tinungo ang aming pintuan. Ngunit laking gimbal ko ng hindi ko ito mabuksan. Nakapinid itong mabuti, hindi man lamang gumagalaw kahit itulak ko.
Muli ay narinig ko ang mga lumilipad na bagay. Alam kong napakalapit na nila sa akin. Tumingala ako at sinilip ang bintana ng aming second floor.
“Paano ko maaabot iyon?”
Iginala ko ang aking tingin, naghahanap ng puwedeng maakyatan. Sa gilid ng bintana ng aming 1st floor ay mayroong airconditioner. Agad kong inakyat ang aming bintana, at pagkatapos ay tumuntong sa ibabaw ng aircon. Dito ay naabot ko ang aming bintana. Bagamat hirap ay pinilit kong hilahin ang aking sarili paitaas at sumilip.
Hindi ako makapaniwala sa aking nakita. Sa kama sa tabi ng bintana — sa kama ko — nakita ko ang aking sarili na natutulog. Nakaupo sa tabi ng aking natutulog na katawan ang aking ate. Niyuyugyog niya ako, siguradong sinusubukan niya akong gisingin. Mayroon siyang sinasabi ngunit walang boses na lumalabas sa kanyang bibig. Kita ko sa mukha niya ang takot at pag-aalala.
“Ang katawan ko. Kailangan kong makabalik sa aking katawan.”
Muli ay hinila ko ang aking sarili upang makapasok sa bintana. Ilang dipa lamang ang layo ng kama mula sa bintana. Iniunat ko ang aking kamay upang abutin ang aking katawan.
Bigla- bigla ay may mga malalamig na kamay na humawak sa mga paa ko at hinila ako papalabas. Buti na lamang at nakakapit ako sa aming bintana. Napakalakas ng ingay na naririnig ko, para bang mga asong ulol na sabay-sabay na umaalulong. Bagamat ayaw ko ay napalingon ako upang silipin ang mga nakakapit sa aking mga paa. Napasigaw ako sa aking nakita.
Walang salitang makakapaglarawan sa hitsura nila. Lubhang kakaiba ang anyo nila, halatang hindi sila mula sa mundong ito. Ngunit ang nakakuha ng aking atensyon ay ang kanilang mapuputi at malalaking mga mata. Parang walang buhay ang mga ito, ngunit kapag tiningnan mo ang mga ito ay para bang isa itong butas na kahuhulugan mo.
Naramdaman ko ang pagluwag ng pagkakakapit ko sa aming bintana. Dito ay para akong natauhan at inilayo ang aking tingin sa kanilang mga mata at itinuon ang aking pansin sa loob ng aking kuwarto. Tinitigan ko ang mukha ng aking kapatid, na pakiwari ko ay mukhang naiiyak na sa pag-aalala. Dito ay nakakuha ako ng lakas. Hinila ko ang aking sarili papasok sa bintana. Muli kong iniunat ang aking kamay.
Bagamat hindi nakakaramdam ng sakit, naramdaman ko ang pagkagat ng mga nilalang sa aking mga paa. Ramdam ko ang pagdanak ng dugo sa aking mga binti. Dinig ko ang malakas nilang sigawan ng malasahan ang aking dugo.
Napasigaw ako ng malakas. Ibinuhos ko ang lahat ng aking enerhiya at itinulak ang aking sarili papasok ng aking kuwarto. Dito ay naabot ko ang kamay ng aking natutulog na katawan.
Bigla akong nagising. Napaupo ako at napasigaw. Sa aking tabi ay umiiyak ang aking ate.
“A-Anong nangyayari sayo?” tanong niya sa akin. “Kanina ka pa umuungol diyan. Hindi kita magising. Ayos ka lang ba?”
Hinihingal man ako ay itinango ko ang aking ulo. Dito ay niyakap ako ng aking ate ng mahigpit.
Niyakap ko rin siya. Ramdam ko pa rin ang mabilis na pagtibok ng aking puso. Ramdam ko ang basang-basa kong likod dahil sa pawis. Dahan-dahan kong hinawakan ang aking pisngi at kinurot ito ng madiin. Napangiwi ako sa sakit.
Buhay ako, nasabi ko sa sarili. Buhay ako.
Pero ano nga ba talaga ang nangyari? Nananaginip lamang ba ako? Iyon ba ang tinatawag nilang bangungot? O baka naman sadyang humiwalay ang aking kaluluwa sa aking katawan?
-END-